Post

5th State of the Barangay Address (SOBA)

Posted on March 26, 2016 in Disaster Risk Reduction and Management, Education, Environmental Protection, Fire Prevention and Control, Health and Sanitation, Infrastructure, Land and Housing, Livelihood, Peace and Order, Projects by Batasan Hills Admin

5th State of the Barangay Address (SOBA)

 Reported by

Captain John “Jojo” M. Abad


Slide1

Magandang gabi po sa inyong lahat, mga kabarangay!

 

Tayo po ngayon ay nasa ikalimang pag-uulat para sa ating mga kabarangay tungkol sa mga proyekto at programang nagawa ng inyong lingkod at ng mga kagawad at mga gagawin pa nating proyekto at programa para lalo pa nating paunlarin ang ating barangay.

 

Sa loob ng dalawang taon na ako ay binigyan ninyo ng pagkakataon at inyong pinagkatiwalaan bilang punong-barangay, sinamahan ninyo ako at ni kailanman ay hindi iniwan sa panahon ng aking panunungkulan. Naging bahagi kayo ng ating ipinaglalaban na tunay na pagbabago at pag-unlad ng ating barangay. Kaya naman ginawa ko ang lahat ng nararapat at tapat na paglilingkod upang maibalik ko sa inyo ang tiwala na ipinagkaloob ninyo sa akin sa pamamagitan ng patuloy na pag-unlad at pagsulong para sa lahat.

 

Kaya’t ako, sampu ng aking pamilya, ay buong-pusong nagpapasalamat sa inyong lahat.

 

Nagpapasalamat ako sa inyong hindi matatawarang malasakit para sa ating barangay upang patuloy nating matamasa ang pag-unlad, kalinisan at katahimikan.

Maraming salamat din sa lahat ng mga pederasyon ng mga HOA na nagsulong at lagi nating katuwang sa usapin ng katiyakan ng paninirahan – sa SANAPA Federation, KOSA Federation, SAMA-SAMA Federation, MALCOMMCATZ Federation, ALABCO Federation, Luzviminda Federation, SAMAKAB Federation, SADAKA Federation, PAMANA Federation at CMP Federation.

 

Maraming salamat din sa lahat ng mga organisasyon na nagmamalasakit at tumutulong sa ating barangay – sa Loyalty P.I.P.O.L. Watch, Incorporated, sa Kaagapay KBH, sa RIM Philippines, sa Triskelion Tau Gamma Phi, sa BWL, sa Mama’s Brigade, sa BYCLF, sa Tiger Ladies Bayanihan, sa mga Zumba Groups, sa ating United Senior Citizens of Batasan Hills, sa Kabalikat Civicom, sa Kawan ni Kap at sa Liga ng mga Purok Leaders.

 

Maraming salamat din sa ating masisipag na mga kagawad – kay Kgd. Tata Ludovica, Kgd. Junjun Macario, Kgd. Jhorwin Santos, Kgd. Charlie Mangune, Kgd. Ernie Custodio, Kgd. Nanay Luming de Guzman at Kgd. Bobby Miras – na kasama ko sa paglilingkod sa ating barangay.

 

Maraming salamat din po sa lahat ng kawani ng ating barangay na kasama natin sa araw-araw nating paglilingkod. Maraming salamat sa ating Barangay Secretary Edwin Misolas, sa ating Barangay Treasurer Rey Parreñas, sa ating napakasipag na Barangay Administrator Adonis Monahan, sa ating Liaison Officer Arlene Ludovica at sa ating P.R.O. Joe Frias.

 

Higit sa lahat, maraming salamat sa ating mahal na Konsehal Rannie Ludovica na siyang idolo natin upang maipagpatuloy natin ang kanyang nasimulan na tunay na serbisyo-publiko para sa ating mga kabarangay na may malasakit at pagmamahal.

 

Maraming salamat din sa ating mahal na Mayor Herbert Bautista, sa ating Vice Mayor Joy Belmonte, sa ating Congressman Winnie Castelo, sa ating Konsehala Precious Hipolito-Castelo, Konsehal Toto Medalla, Kon. Bong Liban, Kon. Roderick Paulate at Kon. Star Valmocina sa patuloy nilang suporta.

 

Maraming salamat din sa aking maybahay at mga anak sa patuloy nilang pagmamahal at pang-unawa sa akin. Maraming salamat din sa aking mga kapatid sa kanilang patuloy na paggabay.

 

Mga kabarangay, isang malaking karangalan para sa akin na ako, kasama ang ating mga kagawad, ay muling makapag-ulat sa inyong harapan ng ating mga natapos na proyekto at programa para sa ating barangay upang patuloy tayong umunlad at magtagumpay.

 

 

Land and Housing Committee

 

Sa usapin ng ating Land and Housing Committee na kung saan katuwang natin si Kgd. Tata Ludovica, personal niyang inaayos ang mga usapin ng mga HOA. Sa buwan ng Enero, may 32 hinaing mula sa iba’t ibang HOA ang ating nabigyan ng solusyon sa tulong ni Kgd. Tata Ludovica.

 

Patuloy din ang ginagawang operasyon ng ating barangay laban sa mga ilegal na jumper ng kuryente na maaaring maging sanhi ng sakuna at sunog.

 

Patuloy din ang ginagawa nating pagsuporta sa mga ginagawang re-blocking ng mga HOA federations upang maisaayos na ang kanilang mga qualified beneficiaries base sa kanilang approved subdivision plan.

 

Ginagabayan din natin sa tulong ni Kgd. Tata Ludovica ang mga halalan na ginagawa ng mga HOA para sa pagtatalaga ng kanilang mga bagong pamunuan.

 

Binigyan natin ng kaliwanagan at tuluy-tuloy na konsultasyon ang mga maaapektuhan ng proyektong “Harmony Hills” na itatayo ng National Government Center (NGC) at National Housing Authority (NHA) na kung saan may 100 pamilya ang maaapektuhan. Ang 100 pamilya na ito ay kasama sa magiging beneficiaries ng nasabing programang murang pabahay.

 

Tuluy-tuloy din ang ginagawang property surveys ng lupa, maging ito ay pampubliko o pribado, upang matiyak natin na ang tunay na may-ari ang siyang kausap natin tungkol sa usapin ng paninirahan at upang hindi rin mabiktima ang ating mga kabarangay ng mga sindikato sa palupa.

 

Patuloy din ang ginagawang inspeksyon ng ating Land and Housing Committee sa mga nagpapatayo ng bahay upang tiyakin na ito ay matibay at handa sa anumang sakuna.

 

Environment Protection Committee

Environmental Violators

Mula July 2015 hanggang December 2015, may 165 na ang nahuli ng ating mga environmental police na lumabag sa mga environmental laws at city ordinances na mahigpit na ipinatutupad ng ating barangay. Kabilang dito ang pagtatapon ng basura, pagdura sa kalye, mga lalakeng nakahubad sa pampublikong lugar at mga kalalakihang umiihi sa mga pampublikong lugar.

 

Waste Segregation

Patuloy din ang ginagawa nating pagtutok sa araw-araw na paghahakot ng basura sa ating barangay ng mga garbage trucks. Bawat araw, tayo po ay may 22 na dump truck at mini dump truck na naghahakot ng ating basura sa iba-ibang lugar sa ating barangay. Ito ay personal na ginagabayan ng ating mga Purok Leaders para sa proper waste segregation.

 

Humigit-kumulang nasa 176.29 tonelada ng basura ang nahahakot mula sa mga subdivisions. Nasa 356.59 tonelada ng basura naman ang nahahakot mula sa mga komunidad para sa hindi nabubulok. At humigit-kumulang nasa 142.7 tonelada ng nabubulok na basura naman ang nahahakot ng trucks.

 

Tuluy-tuloy din po ang ginagawa nating paglilinis sa ating barangay at katuwang natin ang lahat ng ating mga kawani sa ating barangay.

 

 

Barangay Council for the Protection of Children (BCPC)

Sa ulat ng ating Barangay Council for the Protection of Children, katuwang natin dito si Kgd. Edgar Macario, Jr. bilang ating co-chairman, kasama ang ibang kagawad bilang mga chairmen ng ibang committees na bahagi ng BCPC.

 

Sa mga nagdaang panahon, patuloy nating pinalalakas ang ating pakikipag-ugnayan sa bawat pamilya. Dito ay ginagabayan natin sila kung gaano kahalaga na buo ang isang pamilya at kung paano nila gagabayan ang kanilang mga anak na maging isang mabuting at responsableng mamamayan ng ating barangay.

 

Family Orientation

Noong January 13, 2016, nagkaroon tayo ng BCPC orientation na ginanap sa Jasmin Yakap Day Care.

January 15, 2016, patuloy tayong nagconduct ng BCPC orientation sa Luzviminda Village Yakap Day Care.

January 19, 2016, ang BCPC orientation ay sa Alton Yakap Day Care Center.

January 20, 2016, BCPC orientation was at Freedom Park 3 and 4 Yakap Day Care Center.

January 22, 2016, BCPC conducted orientation at Kalayaan B Yakap Day Care Center.

January 26, 2016, BCPC conducted orientation at Freedom Park 5 Yakap Day Care Center.

January 29, 2016, nagkaroon din ng BCPC orientation sa Consti Yakap Day Care Center.

January 30, 2016, nagkaroon din sa lugar ng Pook Pag-asa ng BCPC orientation.

January 31, 2016, BCPC conducted orientation at Kaunlaran Street.

February 2, 2016, nagkaroon din tayo ng BCPC orientation para sa mga bata ng Pook Pag-asa Yakap Day Care Center.

 

Patuloy din ang Operation Birth Right sa ating barangay upang matulungan ang ating mga kabarangay sa suliranin sa birth certificate registration.

 

Bahagi din ng BCPC ang mass feeding program. Katuwang natin ang Divine Care Mission Center sa pamumuno ni Pastor Richard Praneza at Kaagapay KBH.

 

Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng ating BCPC sa ibang ahensya at tanggapan –

 

January 14, 2016, nagkaroon tayo ng Sphere Project Core Team Meeting kasama ang mga guro at ang Center for Health Solution and Innovation (CHSI).

 

Tuluy-tuloy din ang pagpupulong at assessment ng bawat committee ng BCPC upang alamin ang pwede pang gawin para sa ikagaganda ng programa at proyekto para sa mga bata at kabataan.

 

February 22, 2016, nagkaroon po tayo ng mga delegado mula sa Barangay Mitla Proper, Porac, Pampanga bilang bahagi ng kanilang Lakbay-Aral. Naibahagi natin sa kanila ang ating BCPC orientation seminar/training na magagamit nila sa kanilang barangay.

 

January 19, 2016, nagkaroon po muli tayo ng mga bisita mula sa Barangay Pico, La Trinidad, Benguet at bahagi ng kanilang Lakbay-Aral ang BCPC.

 

Nitong March 8, 2016, muli tayong napili. Bumisita sa atin ang Barangay Salvacion-Baybay, Calabanga, Camarines Sur upang maibahagi natin ang BCPC orientation bilang bahagi ng kanilang Lakbay-Aral.

 

Bilang co-chairman ng BCPC, bahagi ng programa ni Kgd. Junjun Macario ang feeding para sa mga bata. Sa lugar ng Taniman, nasa 200 na bata ang pinakakain tuwing Sabado, 120 mula sa Bayanihan at 80 mula sa Bukal.

 

Katuwang din natin ang Generika Drugstore sa programa ng BCPC para sa libreng bitamina para sa mga bata at libreng pagsukat ng blood pressure para sa mga magulang ng mga bata.

 

Noong Pebrero 21, 2016, nakibahagi ang Holy Cross Agency na nagpakain ng 300 na bata at nagbigay ng 5 kilang bigas sa bawat magulang ng mga bata bilang pakikibahagi sa ating 33rd Foundation Celebration.

 

 

Livelihood Committee

Sa ating Livelihood Committee na siya ring pinamumunuan ni Kgd. Edgar Macario, Jr., bahagi ng ating programa ay ang kabuhayan at pagkakakitaan ng ating mga kabarangay. Patuloy ang ginagawa nating pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya at tanggapan at sa tulong ni Kgd. Junjun Macario ay nabigyan natin ng pagkakakitaan ang mga magulang ng ating mga child laborers.

 

Sa tulong ng DOLE, nasa 200 pamilya ang nabigyan ng dagdag puhunan para sa kanilang sari-sari stores, sa nag-aalaga ng baboy at sa nagtitinda ng balut sa halagang P10,000.00 na livelihood assistance.

 

Natulungan din natin, katuwang si Kgd. Junjun Macario, na magkaroon ng pagkakakitaan ang ating mga kabarangay sa programang TUPAD.

 

Bilang co-chairman ng Livelihood Committee, binigyang-pansin ni Kgd. Junjun Macario ang pakikipag-ugnayan sa Hawkers at MDAD nang sa gayon, ang ating mga vendors ay makapagtinda ng 24X7 along Commonwealth Avenue sa buwan ng Kapaskuhan.

Sa pagsisimula ng taong 2016, patuloy ang ating pakikipag-ugnayan sa mga samahan ng mga manininda upang sila ay patuloy na paalalahanan ng kaayusan at kalinisan sa kanilang panindahan. Nilahukan ito ng mga vendors mula sa Batasan Vendors Association, Muslim Vendors, Ilang-ilang Vendors, Capitol 1 Vendors Association at St. Peter Vendors Association. Tayo po ay nagkaroon ng MOA sa kanila para sa kaayusan at kalinisan.

Tungkol sa ating ginagawang job fairs sa ating barangay, sa ngayon ay nasa 300 na aplikante mula sa hanay ng kabataan ang naitala na natulungang makahanap ng trabaho. 40 aplikante ang natulungan natin patungo sa ibang bansa upang makapaghanap-buhay at kumita nang malaki abroad. Ito ay sa patuloy na pakikipag-ugnayan ng mga kumpanya sa ating barangay at kay Kgd. Junjun Macario.

 

Sa tulong ng TESDA, nakapagtala tayo ng mahigit 120 students na nagtapos ng Call Center Training. Patuloy din po ang training ng massage sa ating barangay na kung saan may 350 na ang nagtapos. Marami pang mga seminars at training ang ating gagawin para sa ating mga kabarangay.

 

Infrastructure Committee

Sa ulat para sa ating mga on-going at finished projects, katuwang natin si Kgd. Jhorwin Santos. Noong nakaraang taon, sinimulang gawin ang mga sumusunod na kalsada ng: Jasmin Street, Luzon Street, Katuparan Extension, Aklan Street, Pangasinan corner Kalinisan Streets, Catbalogan Street, Pinaglabanan Street sa Talanay Area A, Arba Street, Kagawad Alley sa Talanay Area C, at Bill Street.

Lahat ng ito ay natapos na at kasalukuyan nang napakikinabangan at nadadaanan ng ating mga kabarangay. Noong March 6, 2016, personal na pinangunahan ng ating mahal na punong-lungsod Mayor Herbert Bautista ang inauguration ng mga kalsadang nabanggit.

Sa Garland Subdivision, natapos na rin ang ilang parte ng kalsada at susunod na ang ibang kalye.

 

Asphalting Projects

Natapos na rin ang asphalting overlay sa tulong ng ating butihing Konsehal Rannie Ludovica sa lugar ng Jose Rizal Street at Gabriela Street sa loob ng New Capitol Estates 1 bilang bahagi ng ugnayan ng subdivisions at barangay.

 

Sumunod na natapos ang asphalting overlay sa Villa Amor Subdivision.

 

Kabilang din sa ating scheduled for asphalting program ang mga sumusunod na subdivisions: A. Bonifacio Street, Lapu-Lapu Street, Abad Santos Street, General Del Pilar Street, Emilio Aguinaldo Street, Juan Luna Street at Diego Silang Street sa New Capitol Estates 1; Venus Street, Comet Street, Earth Street, Mars Street at Jupiter Street sa Sunnyside Subdivision; at, Diamond Street, Jade Street and Northview Access Road sa Northview 1 Subdivision.

 

Natapos na rin po ang ating 8-meter road asphalting sa Pook Pag-asa na nagsimula noong October 9, 2015. Ito po ay mula sa ating barangay budget.

 

On-going Road Construction

Sa ngayon, marami pa tayong mga kalsada na kasalukuyang ginagawa at pinapaganda. Kabilang dito ang: Python Street sa may Upper Session Road; Mindoro Street, Digos Street at Negros Street sa Luzviminda Village; Katarungan Street; at, Kabihasnan Street.

Kabilang sa mga patuloy na binabantayan ng ating tanggapan ang mga ginagawang proyekto ng ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Maynilad at Meralco. Sisiguraduhin natin na ang mga kalsadang kanilang nasira ay maibabalik muli sa maayos.

 

Kasabay din ng pagsasaayos ng kalsada ng Luzon Street, Luzviminda ay ang pagtatayo ng 3-storey multi-purpose building ng Luzviminda Federation na pinamumunuan ni Ginoong Carlos Natavio. Ito po ay handog ng ating mahal na punong-lungsod Herbert Bautista. Ito po ay magagamit bilang day care center, sa youth gatherings and meetings, bilang senior citizens’ office, HOA federation office, atbp.

 

February 20, 2016, personal na nating nagamit sa ating foundation week celebration ang stage na ating proyekto mula sa ating barangay fund sa SB Park.

 

Nagsimula na ring gawin ang pagtatayo ng ating bagong barangay hall sa IBP Road.

 

January 28, 2016, pormal na pinasinayan ang Taniman Covered Court sa pakikipagtulungan ng ating mahal na Congressman Winnie Castelo kasama si Konsehala Precious Hipolito-Castelo.

 

January 28, 2016, pormal din pong pinasinayan ang Area A-3 Covered Court sa Sitio Talanay sa pakikipagtulungan ng ating mahal na Congressman Winnie Castelo kasama si Konsehala Precious Hipolito-Castelo.

 

March 3, 2016, pormal din pong pinasinayan ang GK-Kalusugan Gitna Covered Court sa pakikipagtulungan muli ng ating mahal na Congressman Winnie Castelo kasama si Konsehala Precious Hipolito-Castelo.

 

Patuloy din ang ginagawang ocular inspection ni Kgd. Jhorwin Santos sa mga computer shops upang tiyakin na walang lumalabag sa mga ordinansa at patakaran na pinatutupad sa mga menor de edad.

 

Natapos na rin ang additional na building ng San Diego Elementary School para sa dumaraming mga bata na gustong mag-aral.

 

Nagsimula na rin at ginagawa ang additional na building ng President Corazon C. Aquino Elementary School sa IBP Road.

 

Ginagawa na rin ang panibagong building ng Batasan Hills National High School bilang paghahanda para sa K to 12.

 

Nagsimula na rin ang mga drainage improvements sa mga lugar ng Kalayaan B, Sinagtala Street at Battalion Street.

 

Transportation and Communication Committee

 

Sa ating ulat para sa Committee on Transportation and Communication na pinangungunahan ni Kgd. Charlie Mangune, personal na tinutukan ng ating kagawad ang kaligtasan at kaayusan sa bawat kalsada ng ating barangay. Regular na nagkakaroon ng ugnayan para sa ating mga traffic enforcers upang higit pang maayos ang daloy ng trapiko.

 

Inaayos din natin ang mga sub-terminal ng ating mga tricycle nang sa gayon ay hindi ito makaabala lalo na yong mga sub-terminal na malapit sa mga paaralan.

 

Bahagi din si Kgd. Mangune ng BCPC Protection Committee na nagbibigay-gabay para sa mga bata.

 

Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng Committee on Transportation and Communication sa iba’t ibang tanggapan, katulad ng Honda Philippines, para matulungan natin ang ating mga BATODA tricycle drivers. Nagbigay din ang Coke Philippines ng 400 cases of Coca Cola bottles sa mga kasapi ng BATODA.

 

Bilang pangulo ng BATODA, hindi pinalalagpas ni Kgd. Charlie Mangune ang mga pasaway at abusadong drivers ng BATODA, lalo na yong mga maiingay ang mufflers, mga gusgusin na drivers, mga kaskasero at hindi naka-uniform. Kasabay nito ay patuloy ang ginagawang inspection at pagpapatupad sa mga tricycle na dapat ay maayos ang kanilang mga pinapasadang tricycle. Patuloy din ang ginagawang panawagan sa mga kabarangay na nakakaiwan ng iba’t ibang gamit sa mga tricycle na kanilang nasasakyan katulad ngt IDs, mga payong, panyo, wallet, atbp.

 

Bahagi ng mga babala ang paglalagay ng mga signages sa mga lugar bilang paalala sa mga may-ari ng mga motor.

 

Patuloy din ang ginagawang Oplan Sita ng ating mga traffic enforcers sa iba’t ibang lugar ng ating barangay katuwang ang ating mga kapulisan mula sa QCPD Station 6. Patuloy din po nating ipinatutupad ang One Side Parking at No Parking sa mga iba’t ibang lugar ng ating barangay. Patuloy din po ang “AlkanSSSya” program sa BATODA terminal para makatulong sa mga kasapi na paghandaan ang kinabukasan na benepisyo.

 

Bahagi din ng programa ng Committee on Transportation and Communication ang pagbibigay ng sports activity sa mga kasapi ng BATODA kagaya ng basketball league para sa mga tricycle drivers and operators.

 

Bahagi din ang pagsasaayos ng pasilidad ng BATODA terminal kaya naglagay ng mga TVs para libangan ng mga pasahero at mga drivers. Naglagay din ng sariling CCTV sa loob ng BATODA terminal bukod pa sa CCTV ng barangay para sa dagdag na seguridad ng mga pasahero.

 

Naayos na rin ang mga bubong ng mga sub-terminal at mayroon na ring tagapaglinis para sa kalinisan ng ating BATODA terminal. Naglagay din ng urinal outlet para sa mga passersby si Kgd. Charlie Mangune.

Naglagay din ng mga signages ng mga lugar para sa mga terminal upang tiyakin na hindi maliligaw ang mga pasahero sa kanilang pupuntahan at tama and kanilang nasakyang tricycle.

Nagkaroon na rin ng public address system sa loob ng BATODA terminal.

Patuloy pa rin po ang updates ng ating official website. Maaari ninyong makita ang lahat ng mga kaganapan sa ating buong barangay sa www.barangaybatasan.com.

 

 

Education Committee

Sa patuloy nating pagtulong at pagtutok sa mga day care center sa ating barangay, katuwang ng inyong lingkod si Kgd. Ernie Custodio sa pagsusulong ng programang Massive Advocacy Campaign for Early Registration of the Out-of-School Children (OSC) and Out-of-School Youth (OSY). Layunin ng programang ito na matulungan natin na makabalik at makapag-aral muli ang ating mga kabataan.

Tinututukan din ng Committee on Education ang mga provate schools upang tiyakin na ang lahat ay may kaukulang permiso mula sa DepEd, BIR at barangay para sa operasyon ng kanilang mga schools. Pinangungahan din ng Committee on Education ang pakikipag-usap sa mga guro ng day care centers upang maibigay ang notices and lists of books upang matiyak ng inyong lingkod at ng ating mga kagawad na ang ibinibigay nating mga aklat ay de kalidad at kanilang magagamit.

Matapos nating maipaayos ang mga sirang lababo ng mga day care centers, agad din nating ipinaayos ang mga sirang bintana at nagdagdag tayo ng additional jalousies para sa mga sirang bintana. Tinutulungan din natin ang ating mga day care centers para sa classroom renovation para sa mas lalo pang maging komportale ang mga batang mag-aaral.

Nakapagbigay din tayo ng tulong, katuwang si Kgd. Ernie Custodio, ng mga dagdag na wall fans, ceiling fans at stand fans na magagamit sa mga day care centers.

Nagkaroon din ng pasasalamat si Kgd. Ernie Custodio sa mga batang mag-aaral sa Jasmin Day Care Center sa kanilang Christmas Party at nagbigay ng mga munting regalo.

Namahagi rin tayo, katuwang si Kgd. Ernie Custodio, ng mga aklat ng “Batang Handa, Batang Ligtas” para sa Pinasama Day Care at Busilak Day Care Centers.

Sinuportahan din namin ang Department of Education nang sila ay bumaba sa ating barangay para sa kanilang house-to-house to monitor out-of-school youth na may edad limang taon pataas para sa programang Alternative Learning System o ALS.

 

Patuloy din ang ginagawang mass feeding program sa mga day care centers para sa programang bantay-kalusugan.

Kasabay nito, inilunsad natin ang “proper handwashing technique” para sa mga batang mag-aaral ng mga day care centers. Namahagi tayo ng 110 pieces ng hygiene kits na naglalaman ng sabon at face towel.

 

Naglunsad din si Kgd. Ernie Custodio, sa tulong ng Genpact Corporation ng seminar at training para sa mga guro para sa karagdagang kaalaman ng wastong pagtuturo sa mga day care pupils.

Nagbigay-serbisyo rin tayo, kasama si Kgd. Ernie Custodio ng “Libreng Gupit mula sa Puso” para sa 75 na lola sa selebrasyon ng Araw ng mga Puso.

 

At nitong nakaraang selebrasyon ng pagkakatatag ng ating barangay, lumahok sa drum and lyre competition ang mga estudyante ng iba’t ibang paaralan.

Personal na tinutukan ni Kgd. Ernie Custodio ang pag-aayos ng drainage sa Sinagtala Street upang mawala ang baha.

 

Personal din ang ginagawang monthly meeting ni Kgd. Ernie Custodio para sa kanyang mga staff upang pag-ibayuhin pa ang tapat at maayos na paglilingkod.

Ang Marso ay buwan ng mga magsisipagtapos na mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan. Kaya naman nagbahagi si Kgd. Ernie Custodio ng mga medals.

Health and Sanitation Committee

Sa ulat po natin sa Committee on Health and Sanitation, katuwang po natin si Kagawad Nanay Luming de Guzman na siyang personal na gumagabay sa mga usapin at programang pangkalusugan ng ating mga kabarangay.

 

Tuluy-tuloy ang ugnayan ng ating Barangay Health Management Council (BHMC) upang higit pa nating matutukan at mapagbuti ang ating Health and Sanitation Committee. January 20, 2016, nagkaroon tayo ng pakikipagpulong sa Batasan Health Management Council o core meeting upang talakayin ang mga programang maibababa natin sa ating komunidad.

 

Deworming and Outreach Programs

January 4, 2016, naglunsad po tayo, kasama ang Quezon City Health Department ng deworming sa iba’t ibang lugar ng ating barangay.

January 13, 2016, naglunsad po tayo ng deworming program sa Battalion Street sa tulong ng QC Health Department.

January 27, 2016, ginanap ang deworming sa ating Super Health Center sa 489 na batang beneficiaries.

January 13, 2016, naglunsad po tayo ng deworming program sa lugar ng Kalusugan Street sa tulong pa rin ng QC Health Department.

January 22, 2016, nagkaroon din tayo ng vaccination sa Pook Pag-asa para sa mga sanggol.

Dog Vaccination Program

November 3, 2015, naglunsad ng dog vaccination sa Talanay Area C na kung saan may 182 na aso at pusa ang nabakunahan sa pakikipagtulungan sa atin ni Konsehal Bong Liban.

January 11, 2016, nasa 156 na aso at 5 na pusa ang nabakunahan ng free anti-rabies vaccine sa Area A-3, Sitio Talanay at sa Sitio San Gabriel sa pakikipagtulungan sa atin ni Konsehal Toto Medalla.

 

Operation Bantay-Aso

Kasabay ng ating isinasagawang dog vaccination ay ang patuloy na operasyon ng panghuhuli ng bantay-aso team sa lahat ng uri ng hayop na gumagala sa ating mga pangunahing kalsada. Mula buwan ng December 2015 hanggang February 2016, 192 na aso ang naisurrender natin sa city pound sa Payatas. 100 na pusa naman ang naisurrender natin sa city pound sa Payatas.

Naglabas din tayo ng information drive para sa mga nag-aalaga ng iba’t ibang hayop tungkol sa mga ordinansa na ipinatutupad.

 

Piggery Sanitation

November 4, 2015, nagkaroon po tayo ng agarang pagbisita sa 12 piggery owners na nag-aalaga ng baboy upang alamin kung sila ay may sapat at malinis na pasilidad at kung sila po ay may septic tank para sa dumi ng kanilang mga alagang baboy.

November 6, 2015, ipinatawag natin sa barangay ang lahat ng piggery owners at dito tinalakay ng inyong lingkod, kasama ang mga kinatawan mula sa Quezon City Sanitation Office, ang mga batas para sa pag-aalaga ng baboy at ang kasong kakaharapin kung ito ay may paglabag sa mga nasabing batas.

 

Mass Feeding Program

Tuluy-tuloy din ang ginagawa nating mass feeding sa iba’t ibang lugar ng ating barangay para sa mga bata. Kasabay nito, ang mga mass feeding na ginagawa ng Kaagapay tuwing Sabado at mass feeding na ginagawa ng Loyalty P.I.P.O.L. Watch, Inc. tuwing Linggo. Maraming salamat po sa inyong malasakit.

Fumigation Operation

Tuluy-tuloy po ang ginagawa nating massive operation para labanan at puksain ang mga nakakamatay na lamok na nagdadala ng Dengue sa ating mga kabarangay.

November 19, 2015, sa Garland Subdivision, Sitio Talanay, nasa 37 na bahay ang napausukan ng ating fumigation team.

November 26, 2015, sa Pangasinan Annex, nasa 76 na bahay ang napausukan ng ating fumigation team.

November 27, 2015, sa Luzon Street at Visayas Street, nasa 95 na bahay ang napausukan ng ating fumigation team.

November 30, 2015, nagkaroon tayo ng fumigation operation sa San Diego Elementary School.

Sa buwan ng December 2015, nasa 214 na bahay ang napausukan ng ating fumigation team.

January 4, 2016, sa Kalayaan C – Gitna, nasa 54 na bahay ang napausukan ng ating fumigation team.

January 19, 2016, sa tulong ng Maynilad, naglunsad tayo ng Anti-Dengue Awareness Program. 86 na pamilya ang lumahok sa nasabing programa.

Clean-up Drive

Tuluy-tuloy din ang ginagawang clean-up drive ng ating mga kawani ng barangay sa iba’t ibang lugar na ating nasasakupan. Ito ay personal na tinututukan ng ating Administrator Adonis Monahan upang tiyakin ang kalinisan at upang maipatupad ang QC ordinance na “Tapat Ko, Linis Ko.” Katuwang po natin dito ang ating mga street sweepers at environmental police.

 

January 13, 2016, pinangunahan ni Kgd. de Guzman ang canal inspection sa kahabaan ng Senatorial Street upang tiyakin ang kalinisan ng kanilang mga kanal at upang hindi pinamamahayan ng lamok.

Tire Retrieval Operation

Kasabay ng ating araw-araw na fumigation operation ay ang tire retrieval ng mga gulong na nasa bubong ng mga kabahayanan dahil isa ito sa mga dahilan kaya po tayo nagkakaroon ng Dengue sa ating komunidad.

January 7, 2016, sinuyod natin ang mga kabahayan sa kahabaan ng Batasan-San Mateo Road at kinumpiska natin ang lahat ng gulong na nasa ibabaw ng kanilang mga bahay. Dito ay may nakuha tayong 56 pieces ng gulong.

Health Awareness Program

Inilunsad din po natin ang Zumba Program na ginaganap natin tuwing Linggo at Martes sa SB Park. Ito po ay nilalahukan ng iba’t ibang Zumba groups sa ating barangay.

Nagkaroon din tayo ng dental kit distribution noong Nobyembre 28, 2015 sa tulong ni Konsehal Roderick Paulate.

Nagkaroon din tayo ng medical at dental mission sa Area B Covered Court sa Sitio Talanay.

Nagkaroon din ng oral health care noong Pebrero 18, 2016.

Nagkaroon din ng bloodletting sa Area B Covered Court kasama ang mga kaisa sa Loyalty P.I.P.O.L. Watch, Inc.

Nagkaroon din ng Philhealth records updates na nagsimula noong December 1, 2015.

Nagkaroon din ng seminar para sa reproductive health ang mga persons with disabilities o PWD sa ating barangay.

Women’s Concerns and Family Affairs Committee

 

Para sa kapakanan ng kababaihan at pamilya, kaakibat din natin sa pamamahala si Kgd. Nanay Luming de Guzman.

 

November 27, 2015, nagdaos tayo ng “Buntis Congress” dito sa ating barangay sa pakikipagtulungan ni Dra. Laarnie Malapit. Natulungan natin ang 54 na nanay para sa kanilang Philhealth benefits, 315 para sa dental at oral treatment, 200 para sa laboratory examinations, at 68 para sa family planning.

 

Nitong March 9, 2016, inilunsad natin ang Women’s Health Month Celebration and Bloodletting sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan. Nagkaroon po tayo ng iba’t ibang programang pangkalusugan para sa ating mga kababaihan, katulad ng mga sumusunod: bloodletting; free blood sugar screening; free cholesterol screening; HIV screening; IUD insertion; breast examination; family planning services; lecture on proper nutrition and healthy lifestyle; free haircut; free facial massage; free body massage; livelihood training para sa mga kababaihan; vitamins sampling from Generika Drugstore; at, film showing.

 

Ang sabi nga ng ating mga kababaihan, “A happy woman is a beautiful woman.” Mabuhay po ang ating mga kababaihan.

Noong February 8, 2016 ay pinaunlakan ni Kgd. Nanay Luming de Guzman, kasama ang delegasyon ng kababaihang solo parents, ang imbitasyon ni Konsehala Star Valmocina sa 1st Solo Parents Summit na ginanap sa Amoranto Sports Complex. Nakasalamuha nila dito si Vice Presidential candidate Leni Robredo na siya ring solo parent.

 

Inter-faith Programs

Pinapalakas din natin ang pananampalataya ng ating mga kabarangay at mga kawani sa barangay.

January 18, 2016, binisita tayo ng Mahal na Birhen ng La Naval de Manila at nagkaroon tayo ng Banal na Misa na pinangunahan ni Fr. Lando Jalluag.

Nagkaroon din tayong pamamahayg ng Iglesia ni Cristo sa iba’t ibang basketball court.

 

January 4, 2016, nagkaroon din po ng Bible Exposition ang Ang Dating Daan na ginanap sa Saret Covered Court.

 

May ginaganap din po tayong mass every first Friday of the month sa ating barangay hall para sa ating mga kawani upang higit pa nating pagtibayin ang ating pananampalataya.

 

Senior Citizens’ Concerns

 

Muli, sa tulong ni Kgd. Nanay Luming de Guzman, natutugunan ng inyong lingkod ang bawat hinaing at naibibigay natin ang karampatang karapatan at pribilehiyo ng mga senior citizens sa ating barangay.

Noong November 2, 2015, sinimulan natin ang free cholesterol screening sa mahigit 200 na senior citizens sa tulong ni Dra. Elmira Dizon ng Super Health Center.

 

Nagkaroon din tayo ng libreng flu vaccine para sa senior citizens na ginanap sa Sugartowne Subdivision.

Muli, nagkaroon tayo ng libreng flu vaccine para sa senior citizens na ginanap sa ating Super Health Center.

 

Nagkaroon at natapos na rin ang eleksyon ng United Senior Citizens of Batasan Hills para sa kanilang bagong opisyales.

Nagdiwang din ang United Senior Citizens of Batasan Hills ng kanilang ika-9 na taon na pagkakatatag na ginanap sa Area B Covered Court sa Sitio Talanay.

 

Task Force on Youth Development (TFYD)

Capacity Building

Patuloy ang paglikha at pagbuo ng mga samahan ng kabataan at pagsuporta sa kanilang mga adhikain at layunin sa kani-kanilang nasasakupan. Ang mga lider ng kabataan ay nangunguna sa  paghubog ng mga susunod na lider.

Sa kagandahang-loob ng ating Konsehala Estrella Valmocina, dumalo ang ating kabataan sa dalawang araw na Star Youth Camp na may temang “Youth Volunteerism for Progress” sa Doña Remedios Trinidad (DRT), Bulacan.

 

Naging aktibo rin ang ating mga lider-kabataan sa mga workshop forum na nilalatag ng National Youth Commission. Dumalo sila sa mga National Assembly para sa SK Reform, Workshop on Positive Discipline.

 

Sa mga proyektong nilalatag ng ating butihing Ina ng Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ay masigla at aktibong lumahok din ang ating mga kabataan katulad ng Linggo ng Kabataan Youth Forum, Oathtaking ng Barkada Kontra Droga at QC Barkada Zumba Barkada.

 

Nakilahok at nakiisa din ang ating mga kabataan sa nakaraang Women’s Month Celebration.

 

Binigyang-parangal at pagkilala din ang ating mga natatanging lider-kabataan sa Bantayog Awards Gilas Parangal ng ating Konsehala Precious Hipolito-Castelo at Cong. Winnie Castelo.

 

Health Services and Adolescent Reproductive Health Programs

Sa pakikipag-ugnayan ng TFYD sa Likhaan Center for Women’s Health dumalo ang ating mga kabataan sa iba’t ibang mga aktibidades, seminar at workshop patungkol sa ating kalusugan, atbp. Noong nakaraang taon, kasama ang BCPC at BWL ng ating Barangay, dumalo sila sa dalawang araw na Adolescent Service Workshop sa Fersal Hotel.

Nagkaroon din mga Interactive Learning Sessions kasama ang Likhaan. Bumaba sila sa iba’t ibang mga youth organization sa ating barangay. Nagkaroon din ng Mix Interactive Learning Sessions kasama ang kabataan ng ibang barangay sa Distrito II.

 

Isa pang NGO ang katuwang ng ating kabataan, ang Center for Health Solutions & Innovations Philippines, Inc. Sila ay may programang tinatawag na Youth-for-You or mas kilala sa U4U. Ang U4U ay kampanya upang maiwasan ang maagang sexual activity sa mga kabataan . Nilalayon nitong dagdagan ang kaalaman ng kabataang Pilipino sa pagbimbin sexual debut, na pumipigil sa teenage pregnancy at pag-iwas sa mga sexually transmitted infection. Target ng U4U ang mga batang babae at lalaki na may edad na 10-17, parehong sa paaralan at sa labas ng paaralan. Ang mga ito ay oriented at bihasa sa kung paano pamahalaan ang iba’t ibang bahagi ng kabataan caravan.

 

Nagkaroon ng 2-day Peer Education Training sa Ciudad Christia Resort.

 

Naganap din ang series ng U4U Seminars sa ating Barangay katulad ng ginanap sa Super Health Center at ang U4U Teen Trail na ginanap sa MRB Compound, Barangay Commonwealth, kasama muli ang iba’t ibang kabataan at lider-kabataan ng Distrito II.

 

Lumahok din ang ating kabataan sa National Stakeholders Forum ng Department of Health, Restless Development, International Women’s Health Coalition, UNAIDS, isang Norwegian overseas funding agency, NORAD, UNFPA Act! 2015 and The PACT, kasama ang iba’t ibang kabataan mula sa iba’t ibang sektor sa buong Metro Manila.

 

Dala ang kanilang mga natutunan, ginanap ang malawakang seminar para sa kabataan ng Barangay Batasan na may temang GLINT: The Beginning of a Health Conscious Community with the theme: “Intensive Enlightenment of Health Consciousness, A Step Towards Evident Development.” Mahigit na 200 na kabataan ang dumalo upang matuto kasama ang mga speakers galing sa Family Planning Organization of the Philippines.

 

Socio-cultural and Sports Development

Pormal na binuksan noong Nobyembre 21, 2015 ang TFYD Basketball League. Kung saan bumuo ng 20 teams na mayroon 12 players kada grupo. Lahat sila ay nagkaroon ng libreng quota at uniforms. Ginanap ang awarding noong December 20, 2015 kung saan tinanghal na champion ang YP Trucking Team.

 

Bilang pagsuporta sa unang aktibidad ng bagong tatag na Batasan Gay Pride, lumahok at nakiisa ang TFYD at ibang youth organizations sa ginanap na That’s My Bae.

 

Dumalo at nakilahok din ang TFYD at mga kabataang Batasanian sa “PETA Integrated Theater Workshop for the Kids” kaugnay sa pagdiriwangng 4th Juvenile Justice and Welfare Consciousness Week.

 

Halos dalawang daan na kabataan ang muling nagsama-sama at nagsalu-salo upang iselebra ang Panahon ng Kapaskuhan noong December 29, 2015 at panahon ng mga puso noong Pebrero 14, 2016.

Upang siguruhing maayos ang daloy ng komunikasyon ng TFYD sa isa’t isa at sa mga komite ng barangay, regular ang pagsasagawa ng mga coordination meetings ng TFYD.

 

Aktibo rin ang kanilang partisipasyon sa mga aktibidades ng barangay kagaya ng 33rd Founding Anniversary natin at sa inauguration ng mga road projects ni Mayor Herbert Bautista.

 

Nagpapakita rin sila ng pag-alalay sa mga proyekto ng Loyalty P.I.P.O.L. Watch, Inc. na buo ang suporta sa administrasyon ng inyong lingkod.

 

Disaster Risk Reduction and Management Committee

Sa ulat po natin para sa Committee on Disaster Risk Reduction and Management, katuwang natin si Kgd. Bobby Miras. Tuluy-tuloy ang ginagawa nating seminar at training upang palakasin natin ang kakayahan at kapasidad ng ating mga responders.

January 5, 2016, nagkaroon tayo ng ACF Workshop for Disaster Preparedness kasama ang ating mga kawani.

Fire Quick Response

Patuloy din nating pinalalakas ang kakayahan ng ating Fire Brigade Quick Response Team (FBQRT) sa agarang pagresponde sa issue ng sunog lalo na ngayong buwan ng Fire Prevention.

 

November 3, 2015, agad nating naapula ang naging sunog sa Sinagtala sa tulong ng iba pang mga fire trucks na nanggaling sa ibang lugar.

 

February 3, 2016, naging maagap din ang agaran nating pagresponde sa sunog sa Accibal Compound sa tulong at mabilis na pagtawag ng ating mga mamamayan at Purok Leaders sa ating barangay.

 

February 7, 2016, naging mabilis din ang responde ng ating fire truck sa sunog sa Katarungan Street.

 

February 27, 2016, naging mabilis din ang pagresponde sa naganap na sunog sa Jasmin Street ng ating mga fire responders.

 

Patuloy din ang ginagawa nating pakikipag-ugnayan sa Philippine Red Cross sa isyu ng sakuna at kalamidad.

 

Patuloy din ang nagiging pag-aaral at pagkuha ng data tungkol sa fault line at danger zones na ginagawa sa ating barangay ng mga paaralan gaya ng Bulacan State University.

 

Patuloy din ang mga pag-aaral ng ating council na may kinalaman sa Integrity Hazard Maps ng bawat barangay na may kinalaman sa disaster.

 

Naging bahagi din ang ating council sa workshop na ginanap na may kinalaman sa liquefaction and landslides na ginanap sa DRRM Training Room.

Peace and Order Committee

Sa atin namang Committee on Peace and Order, mas lalo pa nating pinag-igting ang kampanya laban sa droga at sa tulong at malasakit ng ating mga mamamayan sa komunidad, tuluy-tuloy ang ating mga naging tagumpay.

All-out War against Illegal Drugs

December 5, 2015, 150 grams ng hinihinalang Shabu at Caliber 45 na baril ang nahuli sa isang tao sa ginawang buy-bust operation sa may Ever Gotesco Commonwealth ng QCPD Anti-Illegal Drugs Special Task Force. Agad itong dinala sa ating barangay.

Noong January 9, 2016, inilunsad ang isang malaking operasyon ng Oplan Galugad. Kasama natin ang buong pwersa ng barangay at ng Quezon City Anti-Crime Advocacy Group ng ating mahal na Konsehal Rannie Ludovica. Katulong din natin ang ating mga kapulisan ng QCPD Station 6 sa pamumuno ni Col. Robert Sales.

 

Sa Oplan Galugad na ito, 75 na indibidwal na personalidad ang inanyayahan sa ating barangay for verification at 9 dito ang nahulihan ng mga hinihinalang ipinagbabawal na gamot habang isinasagawa ang Oplan Galugad.

January 13, 2016, muli tayong naglunsad ng Oplan Galugad kasama ang ating mga BPSO sa pamumuno ng ating Barangay Ex-O, Quezon City Anti-Crime Advocacy Group at QCPD Station 6.

 

January 17, 2016, isang may warrant of arrest sa kasong murder ang nahuli ng ating mga BPSO.

Kasunod nito ay isa na namang holdaper ang nahuli rin ng ating mga BPSO.

January 18, 2016, isa na namang notorious drug pusher ang nahulihan ng apat na sachets ng hinihinalang ipinagbabawal na droga ng ating mga BPSO sa Kalinisan Street.

 

January 19, 2016, muli sa operasyon ng Oplan Galugad na isinasagawa ng ating barangay kasama ang Anti-Crime Advocacy Group at QCPD Station 6, isa na namang drug pusher ang nahulihan ng anim na sachets ng hinihinalang ipinagbabawal na droga.

January 22, 2016, isang drug pusher at drug user ang nahuli ng ating mga BPSO at Bgy. Ex-O sa tulong ng mga mamamayan sa area ng Kagandahan Street.

January 25, 2016, tatlong katao ang nahlihan ng Marijuana sa tulong at sumbong ng mga mamamayan sa area ng Freedom Park.

 

Pagkilala at Parangal

January 25, 2016, binigyang-parangal at pagkilala ng ating QCPD Station 6 sa pamumuno ni Col. Robert Sales ang ating mga BPSO at Bgy. Ex-O sa pagtupad ng kanilang tungkulin at pakikibahagi sa Oplan Galugad Program ng ating pamahalaan.

 

Pinarangalan din ang ating Bgy. Ex-O Cleopas Gaspay at mga BPSO sa ating flag-raising ceremonies bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

February 3, 2016, patuloy ang ating ugnayan sa ating mga kapulisan, kasama ang QC Anti-Crime Advocacy Group para sa “Evaluate and Assess the Anti-Criminality Program and Interventions.”

 

February 3, 2016, isang tao na naman ang nahulihan ng hinihinalang droga ng ating mga BPSO sa tulong ng isang taong nagmalasakit na tumawag sa ating barangay.

February 12, 2016 sa ginawang Oplan Galugad, isa na naman ang nahulihan na may dalang hinihinalang ipinagbabawal na gamot sa area ng Sapphire Street, Nelsonville.

 

February 26, 2016, tuluy-tuloy pa rin ang ginagawa nating Oplan Galugad sa iba’t ibang lugar ng ating barangay.

 

Personal ding tinutukan ni Kgd. Bobby Miras ang pag-aayos sa mga suliranin sa anumang hindi pagkakaunawaan na bahagi ng Peace and Order Committee.

 

Mariin din ang ating ginagawang implementasyon ng discipline hours upang maturuan ng disiplina ang ating mga menor de edad na kabataan na gumagala sa gabi.

 

Lumahok din po tayo sa seminar/orientation ng Oplan Lambat-Sibat upang madagdagan ang kaalaman ng ating mga kawani at mga Purok Leaders.

 

Malaking tulong din ang dagdag-kaalaman ng programang “Bayanihan Bayan” ni Konsehal Rannie Ludovica para sa ating mga Purok Leaders at Volunteer Tanods.

 

Malaking tulong din para sa ating mga kabarangay ang pagkakaroon ng CCTV cameras sa ating mga pangunahing kalsada. Mula buwan ng Nobyembre 2015 hanggang buwan ng Pebrero 2016, nakapagtala ang ating CCTV Monitoring Team ng 66 na kaso ng aksidente sa kalye, shooting incident, hold-ups, akyat-bahay, budul-budol, atbp.

 

Lupon Tagapamayapa

Tayo naman po’y tumungo sa ulat ng tanggapan ng Lupon Tagapamayapa. Sa pamamahala sa ating mga Lupon Tagapamayapa, katuwang ng inyong lingkod ang buong konseho. Mabusisi ang superbisyon sa mga Lupon Tagapamayapa at katulong natin ang ating Barangay Secretary Edwin Misolas.

 

Ang ating mga Lupon Tagapamayapa ang siyang nag-aayos, namamagitan at gumagabay sa mga usapin na idinudulog sa ating barangay. Sa buwan ng Enero 2016, may 169 na kaso ang naitala at 122 dito po ay ating naayos.

Sa buwan ng Pebrero 2016, may 135 na kaso ang idinulog sa ating barangay. 82 dito ay ating naayos at 44 na kaso ang on-going.

 

Buo ang suporta ng ating mga Lupon Tagapamayapa sa lahat ng ating mga proyekto. Gaya ng kanilang presensya sa 33rd Founding Anniversary ng Batasan Hills at sa inauguration ng mga road projects ni Mayor Herbert Bautista dito sa ating barangay. Madarama ang aktibong partisipasyon ng mga Lupon Tagapamayapa sa mga workshops na inilulunsad ng BCPC, clean-up drives o mopping na regular nating isinasagawa, sa flag-raising ceremonies tuwing Lunes at sa lahat ng meetings ng mga empleyado ng barangay.

 

Tinuturing na sikreto ng mga Lupon Tagapamayapa ang regular at transparent na meetings at salu-salo bilang sangkap ng kanilang mala-pamilyang samahan.

Liga ng mga Purok Leaders

Tuluy-tuloy ang pagkakaisa ng ating mga Purok Leaders at katuwang natin si Pres. Wenky dela Rosa. Nagkaroon sila ng fund-raising project at ang kinita ay ibinili nila ng tents at monoblock chairs. Sa ngayon, may 16 na tents na ang nagagamit ng ating mga Purok Leader sa bawat area na may activity. Mayroon na rin silang 320 na upuan na nagagamit.

 

Patuloy din ang ginagawang lakbay-aral para sa ating mga Purok Leaders. Noong February 26 at 27, 2016, nagkaroon ng “Lakbay-Aral, Dagdag-Kaalaman” ang mga cluster heads ng ating mga Purok Leaders sa Davao City.

 

Dito ay nagkaroon sila ng pagkakataon na malaman at makita ang mga makabagong gamit ng Davao City sa larangan ng sauna at kalamidad.

 

Nagkaroon din sila ng pagkakataong alamin at mapag-aralan ang makabagong teknolohiya na ginagamit ng Davao City para sa kanilang Materials Recovery Facility.

Barangay Bottom-Up Budgeting

March 21, 2016, nagkaroon po tayo ng pagpupulong kasama ang Barangay Development Council upang talakayin ang mga priority projects ng ating barangay bilang bahagi ng Barangay Bottom-Up Budgeting ng ating pamahalaan na ibinababa sa tanggapan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) papunta sa bawat barangay.

 

Ang ating Barangay Development Council (BDC) ay nagkaisa upang isulong ang limang mahahalagang proyektong pambarangay na maibababa natin sa ating mga kabarangay o maging sa ating mga komunidad.

 

Narito ang 5 priority projects para sa BUB 2016:

Fogging Machine with Chemicals – for Anti-Dengue Operation

Portable Toilet – for evacuation sites

Solar Street Lights – for depressed areas

Disaster Equipment – for rescue during disaster and calamity

Rolling Trash Cans – for waste segregation

 

 

Panghuling Pananalita

Hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng pagkakataong makapaglingkod sa bayan kaya’t napakalaking karangalan ang ipinagkaloob ninyo sa akin na makapaglingkod ako sa ating barangay.

 

Alam ko na kung tayo po ay patuloy na magkakaisa at maghahawak-kamay, magkaiba man ang ating paniniwala, magkaiba man ang ating kulay, magkaiba man ang ating kinaaaniban… Ngunit patuloy tayong naniniwala na tayo ay magkakasabay na aangat… magkakahawak-kamay na susulong… at magkakasabay na sisigaw ng iisang tinig lamang… Pagbabago at pag-unlad para sa ating barangay.

 

Maraming salamat po at mabuhay po kayong lahat!

 

 

 

 

 

 

-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-

Written by Bgy. Sec. Edwin P. Misolas

Photos taken by staff of the Barangay Council

Slides prepared by Aphrodite